Immaculate Conception Parish (official) Los Baños Laguna

Nais kong ibahagi ang kinopya kong kasaysayan ng Los Baños parti...kular ang simbahan ng Birhen ng Immaculada Concepcion: Nuestra Señora de Aguas Santas

Ito ay ipinadala sa ating Kura Paroko, Reb. Padre Jose P. Segudo, Jr ng mga paring Franciscano, OFM (salamat sa kanila)

KASAYSAYAN NG BAYAN NG LOS BAÑOS, 1613 – 1898
(Ang Bayan ng Los Baños noong Panahon ng Kastila)
Lalawigan ng Laguna, Republika ng Pilipinas)

N.B. Ang mga datos pangkasaysayan na ditoý natutunghayan ay hango sa mga pinagsangguniang ito: a) ang aklat ni Felix de Huerta, Franciscano, na nalimbag noong 1865 tungkol sa Provincia de San Gregorio Magno ng mga Franciscano (sumasakop sa laht ng mga parokya sa buong Pilipinas na nasa ilalim ng panganalaga ng mga Franciscano) pahina 152-155; b) ang aklat ni Eusebio Gomez Platero, Franciscano rin, na nalimbag noong 1880 na may pamagat ng “Catalogo Biografico de los Religiosos Franciscanos de la Provinica de San Gregorio Magno de Filipinas.” Manila, Imprenta del Real Cloegio de Santo Tomas. Ang ikatlong pinagsanggunian ay ang masusing pag-aaral na ginawa ni Bruce Cruikshank noong mga taong 1970s, ukol sa kasaysayan ng mga Franciscano sa Pilipinas noong panahon ng mga Kastila, at naging isang doctoral dissertation. Ang mga itoý matatagpuan sa Franciscan Archives sa parokya ng San Pedro Bautista, San Francisco del Monte, Quezon City sa ilalim ng pangangasiwa ng kasalukuyang Archivist na si Rev. Fr. Jose Femilou Gutay, OFM.

Nagmula sa mga paliguan ng maligamgam na tubig na hanggang ngayon ay marami pa sa lugar na ito, ang pangalang “Los Baños” ng bayang ito sa lalawigan na kung tawagin noong panahon ng Kastila ay “La Laguna.” Noong nagsisimula pa lamang ang pangangaral ng Ebanghelyo sa Pilipinas, ang Los Baños ay isang visita lamang (walang sariling pari bilang kura paroko na nakatira mismo sa lugar na ito, bagkus ay “dinadalaw” lamang o “visita”ng mga paring buhat sa ibang lugar). Ang visita ay may patrong San Nicolas de Tolentino, sakop ng bayan ng Bay, na nooý nasa mga paring Agustino. Samakatuwid ay hindi kataka-taka na ang patron ay si San Nicolas de Tolentino, isang santong Agustino. Hanggang ngayon, si San Agustin pa rin ang santong patron sa bayan ng Bay. Ipinaubaya ng mga Agustino sa mga Franciscano ang pangangasiwa ng visita na ito, at ang pagsasalin na ito ay pinagtitibay ng isang escribano na nagngangalang Don Luis Vela noong ika 17 ng Septiembre 1613. Noong panahong iyon ay may nakatalang 40 tributos lamang ang lugar na ito, samakatuwid baga’y may apatnapung mamamayan at kanilang pamilya na naghahandog ng tributo o ang buwis sa pamahalaang kolonyal. Kaya naman sa mga Franciscano napapunta ang pangangasiwa ay sa dahilang sila ay may Ospital nang nakatatag (taong 1602 ng matatag) sa lugar na ito, matapos matuklasan noong taong 1590 ang pambihirang katangian ng mga maligamgam na bukal ng tubig na lubhang nakatutulong sa paggaling sa ilang uri na ito at napansin ang kaaya-ayang mga bukal ng mainit-init na tubig rito. Si San Pedro Bautista ay isa sa mga martir na Franciscano sa bansang Hapon noong 1597 (kasama nag Heswitang pari na si San Pablo Miki) at ang kapistahan ng mga martir na ito ay ipinagdiriwang sa buong Simbahan tuwing ika-6 ng Febrero. Si San Pedro Bautista marahil and kauna-unahang Santo na tumira at naglagi sa bansang Pilipinas at nakarating pa nga dito sa bayan ng Los Baños.

Hindi naging isang ganap na bayan o municipio ang Los Baños hanggang noong taong 1640. Noong taong, iyon, hinirang si Don Juan Castañeda bilang kauna-unahang capitan o gobernadorcillo ng bayan (ngayon ay alcalde o mayor ang katumbas nito). Ang lugar na ito ay nasa hilagang bahagi ng paanan ng bundok Maquiling (Makiling) at nasa timog na bahagi naman ng baybayin ng malawak na Laguna de Bay. Nasa direksyong pahilag-hilagang silangan ang bayan ng Bay, may isa’t kalaharing IleguaI ang layo samantalang sa direksyong pakanluran-hilagang kanluran naman ang bayan ng Calamba, na may layong isang legua. Maalinsangan at mainit ang klima na may hangin na umiihip mula sa dakong timog na sinasalungat naman ng mula sa hilaga-kanluran. Ayon kay Padre Felix de Huerta, sumusulat noong 1865, ang malimit na nagiging sakit ng tao rito ay ang tinatawag na tercianas. Dumadaloy sa sakop ng bayang ito ang isang ilog na ang ngala’y Dampalic (Dampalit) na may isa sa pinakamabubuting tubig na kilala sa bansa. May daan o lansangan patungong bayan ng Bay, at isa rin patungong bayan ng Calamba. Itong ikalawang nabanggit na daan patungong Calamba ay utang na loob natin sa kaalaman at kasipagan ni Padre Juan de Carillo, kura ng Los Baños noong 1849, na sa pamamagitan ng pagpapasabog ng mga eksplosibo ay nabuksan ang tinaguriang bundok ng Lalacay upang bigyang daan ang kalsada patungong Calamba. Ang bahagi ng bundok na pinasabog upang makagawa ng kalsado noon 1849 ay sinasabing purong bato na matiga talaga. Dumarating ang mga sulat na hatid ng kartero tuwing Huwebes ng umaga at Lunes ng hapon at umaalis din sa mga araw na tio.

Mula ng taong 1613 hanggang 1727 (mahigit isandaang taon), hindi nagkaroon ng gusaling-simbahan ang Los Baños. Ang mga parokyano ay nagsisimba sa simbahan ng Ospital ng mga Franciscano at ang patrona mula’t saput ay ang Inmaculada Concepcion ng ating Mahal na Birhen at may titulong Nuestra Señora de Aguas Santas. Nasunog ang simbahan ng ospital noong 1727, at minabuting magpatayo ng bagong simbahan sa karangalan pa rin ng Inmaculad Concepcion ng Mahal na Birhen de Aguas Santas, na sa simula ay yari sa kawayan at nipa. Ang simbahan na patuloy pa ring natutunghayan ngayon ay unang ginawa na yari sa bato noong 1790 sa ilalim ng pangangasiwa ni Padre Domingo Mateo. Nanatiling nipa ang atip ng simbahang ito na yari sa bato hanggan noong taong 1851, kung saan ipinaayos ni Padre Manuel Amat ang lahat ng bahaging kahoy ng simbahan at ang atip naman ay ginawang “de teja”(tiles sa wikang Ingles). Ipinagawa din ni Padre Manuel Amat ang tore ng simbahan na may dalawang kampana, ang sacristia at ipinapinta ng maganda at kawili-wili ang simbahan. Nagpagawa din ang nabanggit na Padre Amat ng kumbento o casa parroquial na yari sa bato at maginhawa naman. Noong panahon ni Padre Amat ay mayroong na ring tribunal ang bayan na maayos at matibay ang pagkakagawa, may carcel, may paaralan para sa primera enseñanza (primary education o primary school), may municipio at mga 250 bahay na gawa sa kawayan ayon sa katutubong estilo sa lugar.

Para sa binabalak na pagtatalaga ng Simbahan ng Los Baños bilang Dambana ng Mahal na Birhen sa pamagat ng Inmaculada Concepcion, maaring pagnilayan ang mga sumusunod na mga inpormasyon mula sa masusing pagtanaw sa nakalipas na kasaysayan ng bayan:
__________________________________________________________________ _ Mahalagang bigyan-pansin na mula’t sapul ng mga kauna-unahang taon ng paglilingkod ng mga paring Franciscano sa Los Baños, naging Mahal na Patrona na ang Inmaculada Concepcion ng Mahal na Birhen sa ilalaim ng pamagat ng Nuestra Señora de Aguas Santas. Ang debosyon na ito ay nagmula sa simbahang itinayo malapit sa ospital. Ang simbahan ay para sa mga may sakit na nagnanais maligo sa mga mainit-init na tubig na bumubukal at itinuturing na may katangian nakakaigi sa kalusugan ng tao. Ang debosyon, alalaong baga, ay nakaugnay marahil sa kahilingan ng mga taong nagtutungo sa mga paliguan ng Los Baños upang gumaling sa samu’t saring mga sakit o karamdaman. Sa kasalukuyan ay wala nang dumadayong turistang taga-Maynila tuwing tag-init. Maituturing na mula pa noong 1600 (itinatag ang opsital noong taong 160-2), ang Mahal na Birhen << LA PURISIMA >> o sa wikang Ingles, “The Purest One, The Sinless One”ay ang mahal na patrona na ang lahat ng mga bukal (hot springs) o paliguan (resort-swimming pool) sa Los Baños, at ang mga bukal na ito ay mga “aguas santas”. Sa may bundok ng Lalakay, na ibinuka upang magkaroon ng daan patungong Calamba noong panahon ni Padre Juan de Carrillo, taong 1849, na ngayon ay Splas Island Resort na, makikita ang isang ginawang yungib ng Mahal na Birhen. Makikita ang kahalintulad na pangyayari sa bayan ng Lourdes, Francia kung saan ang debosyon sa Mahal na Birhen ay nakaugnay sa pagligo sa mga tubig na mahimala o nagpapagaling. Ang Birhen ng Lourdes ay nagpakilala din kay Santa Bernardita Soubirous bilang Birhen ng Inmaculada Concepcion. Subali’t ang debosyon sa Los Baños ay nagmula pa noong mga unang dekada ng 1600 samantalang ang aparisyon sa Lourdes ay noon lamang 1858.
_________________________________________________________________

May mga dakong sakop ng bayang ito na masasabing bulubundukin , lalo ng ang gawing timog sa paanan ng bundok Maquiling. Dito rin mula sa bundok nagbubuhat ang mga bukal ng mainit na tubig na lubhang mainam sa mga nahihirapan. Sinsabing isang dating bulkan ang bundok na ito. May mga mas mabababang bundok na nakapalibot sa Maquiling. Natatagpuan sa mga bundok na ito ang ilang uri ng mahuhusay na kayoy na materiales fuertes, mainam gamitin sa pagtatayo ng gusali at paggawa ng mga kasangkapan or muebles ng bahay tulad ng molave, banaba, tindalo, manggachapus, dungon, calamansanay, visac, at iba pa. May mga mina din ng mahuhusay na bato para sa pagtatayo ng mga gusali, at may nagsasabing nakatagpo din sila ng ginto at piedra iman o batubalani.

Ang mga ilog na dumadaloy sa bayang ito ay: ang pinanganlang Maytin (Maitim), na siyang hangganan ng bayan ng Bay sa dakong silangan; ang Molauin (Mulawin), na mas malapit sa bayan (ang kasalukuyang barangay ng Maahas at San Antonio); ang Dampalit sa dakong kanluran ng bayan na mainit-init ang tubig at ang buhangin din ay mainit-init. May mga dako na halos hindi na makayanan anginit ng tubig (nakalalapnos) para sa paliligo. Hindi nagagamit ang mga ilog na tio para sa patubig ng mga pananim. Kapra-kapraso lamang ang lupang maaring pagtanman at ang palay na inaani ay para lamang sa mga taga-Los Baños. Mayroon din munggo, niyog, bunga at saging. Ang mga taga-Los Baños ay abala sa pagtatanim, sa pagtotroso, sa pangingisda sa Laguna de Bay at ang kanilang mga produkto ay nakakarating sa Maynila sa pamamagitan ng mga casco na dumadaong sa pantalan ng isang barrion ng Los Baños na tinatawag na Mayondon.

HOSPITAL DE LOS BAÑOS

Pagkagaling ni Fray Pedro Bautista (ngayoý San Pedro Bautista na) mula sa pagdalaw niya sa lahat ng mga Franciscanong nakakalat na sa iba’t ibang dako ng Pilipinas noong 1590, natuklasan niya ang mga maiinit na tubig sa paanan ng Bundok Maquiling sa may baybayin ng Laguna de Bay. Dhail sa matinding pagmamalasakit ni Fray Pedro Bautista sa mga nahihirapan, agad niyang nakilala ang husay at galing na maaring idulot ng mga tubig na ito, pinapunta niya da dakong ito si Fray Franciso de Gata, isang Franciscanong lego o lay vrother, noong patapos na ang taong 1590 upang masusing suriin at pag-aralan ang mga maiinit na bukal na ito. Nakarating nga si de Gata sa Los Baños, nguni’t sa kasamaang palad ay hindi nagawa ang dapat gawin dahil sa nagkasakit ito. Kinailangang bumalik sa Maynila kung saan namatay si de Gata.

Kasunod nito ay pinapunta ni Fray Pablo de Jesus na nooý provincial ng mga Franciscano sa Pilipinas ang isa pang lego rin noong 1593, si Fray Diego de Santa Maria. Sa kanyang pagsusuring ginawa, natuklasan niyang tunay ngang may katangiang medicinal and tubig. Nanatili si Fray Santa Maria sa Los Baños ng ilang taon at tumulong sa mga maysakit na dumarating sa lugar na iyon upang maligo sa mga bukal ng tubig. Nang mapansin ito ng provincial na si Fray Pablo de Jesus, ipinasya niyang magpatayo na ng isang ospital. Nakamit nila ang pagsang-ayon ng Cabildo sa Maynila (cathedral chapter) na tumatayong autoridad habang sed vacante pa o walang Arzobispo noong panahong iyon. Ang pagsang-ayon ng Cabildo ay may petsang 29 Julio 1602, samantalang ang pagsang-ayon naman ng Superior Gobierno sa Pilipinas ay nakamit noong 13 Octubre 1002. Agad sinimulang ipatayo ang ospital na may patron ng Purisima Concepcion, sa ilalim ng titulo ng Mahal na Birhen na Nuestra Señora de Aguas Santas. Noong 108, inihandog ng mga pangunahing mamamayan ng Bay (principales) ang isang pirasong lupa sa pagitan ng Dampalit at ng ilog Quinacapatlan. Noong 1610, tumulong ang bayan ng Pila sa ospital ng Los Baños sa pamamagitan ng paghandog ng malalawak na lupain sa bayan ng Jalajala. Ang mga inaani ng mga lupaing ito at ang limos ng mga tao ang siyang tumusots ng mga ginastos sa pagpapagawa ng isang matibay at maalwang ospital na yari sa bato, at may karugotng pang simbahan at kumbento.

Malaking pakinabang ang naidulot ng opsital sa lahat ng mga maysakit na nagtutungo rito hanggang noong taong 1640, kung kailan ipinasya ng Señor Don Sebastial Hurtado de Corcuera na itigil na ng mga Franciscano ang pangangasiwa sa ospital. Bunga nito, unti-unti nang nalaos ang ospital hanggang sa taong 1676 na itinigil na ito.

(Halaw sa isinulat ni Felix de Huerta, nilimbag noong 1865, pp. 575-576)

Sa mga makakabasa:

Hindi ko na po idinugtong ang talaan ng mga nadestinong kura paroko sa Los Baños, mula 1613-1898

Kaya sa ating Kasaysayan ay nawawala po mula taong 1898, kung meron pong pagkukunan, mangyari lamang pong ibigay sa amin ang mga pagkukunang dokumento. Malaki po ang inyong maitutulong. Maraming Salamat Po.